Ayon sa dating commissioner ng Presidential Commission on Good Government na si Ruben Carranza, si Bongbong Marcos at ang ina nitong si Imelda ang naging mga tagapangasiwa ng lahat ng pera at ari-arian ng dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr. matapos nitong pumanaw noong 1989.
Dagdag pa ni Carranza, si Bongbong ang susi sa kayamanang tinatago ‘di umano ng pamilya Marcos na napatunayan na ng Korte Suprema na nakaw noong 2003 pa lamang.
“Hindi na niya puwedeng ipagkaila ito. Hindi puwedeng mag-pretend na “ah wala pa namang desisyon ang Supreme Court na nakaw na yaman ‘yan,’” ani Carranza.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema noong 2003, nabigo ang mga Marcos na patunayang sa legal na paraan nila nakuha ang pera nilang $658 milyon, kabilang pa ang mga interes na idineposito nila sa mga banko nila sa Switzerland. Ang perang ito ay naibalik na sa gobyerno ng Pilipinas.
Dagdag pa ng Korte Suprema, ang $356 milyong halaga ng pera na nadeposito sa mga account ng mag-asawang Marcos ay hindi tugma sa humigit-kumulang $304,372.43 na kaya nilang maipon mula 1966 hanggang 1986 bilang pangulo ng Pilipinas at gobernador ng Metro Manila.
Ayon sa PCGG, meron pang humigit-kumulang $5 hanggang %10 bilyong nakaw na yaman ang mga Marcos—P170 bilyon pa lamang rito o higit $3 bilyon ang nababawi ng gobyerno sa nakalipas na 30 taon.
No comments:
Post a Comment